Tama nga ba na ipanalangin pa natin ang mga kaluluwa ng mga yumao na?

Dahil marami ang mga friends ko sa facebook na nagshe-share ng usapang ito tungkol sa pananalangin para sa mga yumao na. Magbibigay lang ako ng kaunting komento ko bilang isang katoliko krisyano ayon sa paniniwala namin sa bagay na ito. Ilalahad ko din dito ang mga bagay na sina-sang ayunan ko at hindi ko sina-sang ayunan sa post na ito. Iisa-isahin ko ito base sa pagkakasunod-sunod ng usapan sa post. Mas mabuti na basahin muna ang post para maintindihan ang konteksto nito.

Pastor: Tama. Ganito kasi iyan, kapag nag pray ka after na mag exam, parang sinasabi mo sa Dios na baguhin ang grades. Hindi iyan pwede dahil tapat ang Dios. Hindi niya pwedeng dayain ang resuta.

Kapag ba nag-pray ka after mag exam, gusto mo agad baguhin ang grades mo o dayain ang resulta? Bilang studyante noon, naaalala ko na palagi ako nagdarasal bago at pagkatapos ng exam pero hindi ko naman pinapanalangin na baguhin ang grades ko at dayain ang resulta ng exam ko. Nagdarasal ako bago mag exam para gabayan ako ng Diyos habang ako ay may pagsusulit at nagdarasal naman ako pagkatapos ng pagsusulit na sana ay sapat ang mga naibigay kong sagot ko para ako ay makapasa. Ang komento ko lamang dito sa parteng ito, parang hindi ito magandang analohiya ukol sa paksa.

Ganun din naman kapag namatay tayo, natapos na din ang exam. Hindi na natin pwedeng baguhin ang resulta ng ating desisyon nung tayo ay nabubuhay pa. Hindi na natin mababago ang ating destiny.

Sabi sa Hebrews 9:27, we are to die once and then we will face the judgment after that.

Ibig sabihin wala ng second chance. I’m sorry, but that is the truth.

Bilang isang Katoliko, suma-sang ayon ako sa parteng ito ng post. Tama nga “Wala ng second chance” pag namatay na ang tao sa mundo, sa langit o sa impyerno na lamang ang huling hantungan ng kanyang kaluluwa. Ito ang sinasabi sa Katekismo ng simbahang Katoliko sa talata 1022.

1022 Each man receives his eternal retribution in his immortal soul at the very moment of his death, in a particular judgment that refers his life to Christ: either entrance into the blessedness of heaven-through a purification or immediately, — or immediate and everlasting damnation.

Gaya nga ng sinabi sa Hebreo 9:27.

Hebreo 9:27

Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom.

Pero bakit ngaba natin ipinapanalangin pang mga katoliko ang mga kaluluwa ng mga kapatid nating yumao na?

Ito ay dahil sa pag-asa ng muling pagkabuhay. Bagamat sila ay pumanaw na sa mundong ito. Umaasa tayo, na sila ay makasama at mapadpad sa kaluwalhatian ng Diyos. Ipinapanalangin natin sila, nang masumpungan ng mapagpalang awa ng Diyos ang kanilang kaluluwa at dalisayin para sa buhay na walang hanggan. Dinadalangin natin sa Panginoon na maibsan ang sakit nang paglilinis ng kanilang kaluluwa dulot ng kanilang mga nagawang kasalanang hindi nakamamatay ng kaluluwa (1 John 5:16-17) dito sa lupa. Ano ba ang turo ng Simbahan ayun sa pagliilinis ng mga kaluluwa? Ayon sa Katekismo ng Simbahan talata 1030.

Ang lahat ng namatay na nasa grasya ng Diyos ngunit hindi pa lubusang nalilinis ay ganap nang maliligtas; ngunit matapos ang kamatayan ay sila nama’y daraan sa paglilinis upang makamtan nila ang kabanalang kinakailangan upang matamasa ang kagalakan ng Langit (CCC 1030).

Ang doktrinang ito ng Simbahang katolika ay ang tinatawag na “Purgatoryo”. Kung saan ang mga kaluluwa ng mga yumao na hinatulang matuwid at nararapat na pumasok sa kaharian ng Diyos o sa kagalakan ng Langit ay dumaraan muna sa proseso ng paglilinis ng kaluluwa. Sa isang banda, gaya ng turo ng Simabahan sa Katekismo talata 1022. May mga kaluluwa namang agarang karapat dapat nang pumasok sa langit at hindi na kailangan ng paglilinis.

Tama, ang purgatoryo ay hindi “second chance” para sa aming mga katoliko. Sa madaling sabi, tinitignan namin ito bilang isang stado o proseso ng paghahanda at paglilinis ng mga kaluluwang matuwid upang sila ay maging karapat-dapat pumasok sa langit. Kagaya ng mga binanggit sa mga talata ng Biblia sa Pahayag 21:27 at sa Hebreo 12: 22-23

Revelation 21:27

Nothing impure will ever enter it [heaven], nor will anyone who does what is shameful or deceitful, but only those whose names are written in the Lamb’s book of life.

Hebrews 12:22-23

But you have come to Mount Zion, to the city of the living God, the heavenly Jerusalem. You have come to thousands upon thousands of angels in joyful assembly, to the church of the firstborn, whose names are written in heaven. You have come to God, the Judge of all, to the spirits of the righteous made perfect.

Sa kabilang banda, ang mga kaluluwang hindi matuwid at nahatulang magdusa sa walang hanggang apoy ng impyerno ay hindi na kailangan ng paglilinis. Tayong mga tao sa lupa ay wala ng magagawang panalangin upang sila ay makalabas doon ay mabago ang hatol ng Diyos sa kanila.

Ang pananalangin sa mga yumao at ang doktrina ng purgatoryo ay matatapuan sa banal na kasulatan sa 2 Maccabees 12: 38-46 at sa 1 Corinthians 3:11-15

2 Macabeo 12: 38-46

Matapos ito, dinala ni Judas ang kanyang hukbo sa lunsod ng Adulam. Malapit na ang Araw ng Pamamahinga kaya’t ayon sa kaugalia’y naglinis sila ng sarili, at ipinangilin ang araw na ito. Kinabukasan, kinailangang tipunin na nila agad ang bangkay ng mga nasawi sa labanan at ilibing ang mga ito sa libingan ng kanilang mga ninuno. Samantalang tinitipon nila ang mga bangkay, napuna nila na sa ilalim ng panloob na kasuotan ng bawat bangkay ay may nakasabit na mga medalyang larawan ng mga diyus-diyosan sa Jamnia. Sa batas ng mga Judio, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot nito. Napag-isip-isip nilang ito ang dahilan kung bakit namatay ang mga taong ito. Kaya’t pinuri nila ang Panginoon, ang makatarungang hukom na nagsisiwalat ng mga lihim. Idinalangin nilang sana’y patawarin ang ganitong pagkakasala. Sa ganitong nasaksihan, ang magiting na si Judas ay nagbabala sa kanyang mga kababayan na umiwas sa paggawa ng kasalanan, sapagkat nakita na nila ang nangyari sa mga kababayang nagkasala. Nagpalikom siya ng mga kaloob na umabot sa halagang apat na librang pilak at ipinadala ito sa Jerusalem upang ihandog na pantubos sa kasalanan. Ginawa ito ni Judas sapagkat naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay. Kung hindi siya umaasa na ang mga patay ay muling mabubuhay, magiging kahangalan lamang ang ipanalangin pa ang mga namatay na. Dahil buo ang kanyang paniniwala na ang lahat ng namamatay na nanatiling maka-Diyos ay tatanggap ng dakilang gantimpala, ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin.

1 Corinthians 3:11-15

Sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.

Ang apoy ng purgatoryo ay ang mapagpalang pag ibig ng Diyos sa atin at inaalis nito ang anumang bahid o tatak ng kasalanan sa ating mga kaluluwa upang ito ay dalisayin at maging karapat dapat sa langit. Samantalang ang apoy naman ng impyerno ay walang hanggang kapurasahan at pagdurusa ng mga nahatulang kaluluwa.

Ang purgatoryo ba ay insulto sa pagkamatay at paglilitas sa atin ni Kristo sa Krus ng kalbaryo gaya ng sinabi sa Hebreo 10:10?

Hebreo 10:10

At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanang paghahandog ng kanyang sarili, at iyon ay sapat na.

Ang sagot ay hindi, bagkos ang purgatoryo ay tanda ng awa at grasya ng Diyos na kaya gawing ganap ang kalinisan at kabanalan ng mga kaluluwang tinawag nyang makasama sa buhay na walang hanggan. Ito ay hindi pagdaragdag sa kanyang natapos na pagliligtas sa Krus. Ito ay pakikilahok at pakikinabang sa kaligtasang kanya nang binuksan para sa atin.

Attendee: Ay? Ganun pala iyon? Habang tayo ay nabubuhay pa, ayusin na agad?

Tama at sumasang-ayon ako sa parteng ito. Habang nabubuhay tayo sa mundong ito, nararapat talaga na ayusin natin ang ating sarili at naway maging karapat dapat tayong humarap sa Diyos pag dating ng panahon. Gaya ng sinabi sa mga taga Efeso 2:10

Mga taga Efeso 2:10

Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin.

Pastor: Yes. Sorry sa kamag anak mo. Hindi na siya pwedeng ipag pray pa. Iyan ang reason kung bakit kailangang maunawan ng tao ang Gospel habang sila ay nabubuhay pa. Kailangan nilang tanggapin si Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas bago pa mahuli ang lahat.

Hindi ako suma-sang ayon na hindi na pwedeng ipagdasal pa ang mga yumaong kamag-anak sa kadahilanang nabanggit ko sa mga unang talata ng aking paglalahad.

Suma-sang ayon naman ako na nararapat ngang ipangaral ang mabuting balita habang tayo ay nabubuhay pa sa mundong ito gaya ng ni sinabi ng Panginoong Hesus sa Marcos 16:15.

Marcos 16:15

Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao.

Churches that teach there is still salvation after death are teaching what is contrary to Scripture and are deceiving their members.

People who believe they can be saved after death will get the greatest shock of their lives when they find out the Truth that there is NO salvation after death.

Teach the Truth because that’s the only thing that can set people free! (John 8:32)

Suma-sang ayon ako sa parteng ito, gaya ng nabanggit ko kanina ayun sa turo ng simbahang katolika at gaya ng sinabi sa Juan 8:32.

Juan 8:32.

Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.

Leave a comment

I’m Joenard

Welcome to my blog! I’m a father of two wonderful sons and husband to the most beautiful woman in the world. Here, I share my thoughts on a range of topics, but mostly on my Catholic faith, aiming to encourage families to offer their lives to Christ. Let’s stay connected as one body in Christ. Viva Cristo Rey!

Let’s connect